Ang kasapi ay magbabayad sa ASKI MBA ng lingguhang kontribusyon sa halagang Tatlumpung Piso (Php 30.00) para sa Life Insurance. Sakop ng kontribusyong ito ang Life Insurance at seguro para sa Total at Permanenteng Pagkabaldado ng kasapi. Ang mga legal na kaanak ng kasapi ay sakop lamang ng Life Insurance. Kabilang sa mga legal na kaanak ang legal na asawa, at unang tatlong (3) lehitimong anak o legal na ampon na wala pang asawa at may edad na 90 araw ngunit di hihigit sa 21 taong gulang at lehitimong anak na wala pang asawa at mahigit na 21 taong gulang, ngunit may kapansanan at walang kakayahang maghanapbuhay.
(Tandaan: Ang benepisyo para sa pagkabaldado ay ukol sa kasapi lamang.)
Upang mapanatiling mababa ang kontribusyon at mapangalagaan ang pondo ng Samahan, sa loob ng unang taon ng pagiging kasapi o anim (6) na buwan mula sa petsa ng pagiging aktibong muli (reinstatement) ng isang kasapi, ang ASKI MBA ay walang pananagutan sa anumang kawalang dulot ng pagkamatay o pagkabaldado, maliban na lamang kung ang sanhi nito ay isang aksidente. Sa halip ang benepisyong matatanggap ay DALAWANG LIBONG PISO (Php 2,000) kung ang kamatayan/pagkabaldado ay nangyari bago sumapit ang ikatlong (3) buwan ng pagiging kasapi at LIMANG LIBONG PISO (Php 5,000) kung ang kawalan ay nangyari mula sa ikatlong (3) buwan hanggang bago sumapit ang isang (1) taon ng pagiging kasapi.
Ang taning ng seguro ay natatapos sa mga sumusunod na kundisyon: sa pagkamatay o total at permanenteng pagiging baldado (TPD) ng kasapi, sa pagtiwalag o pag-alis ng kasapi mula sa ASKI MBA, sa hindi pagbabayad matapos ang tatlungpu’t isang (31) araw na palugit (grace period), sa paglalabas (withdrawal) ng balanse ng naihulog na kontribusyon (equity value), sa pagtiwalag/pag-alis ng ASKI MBA sa kasapi ng may dahilan, o sa pagsapit ng edad na animnapu’t anim ng kasapi. Ang taning ng Life Insurance ng lehitimong kaanak ng isang kasapi ay kasabay matapos ng pagiging kasapi nito sa Samahan.
Sa pagtatapos ng taning ng seguro, maliban sa pagkamatay o permanenteng pagkabaldado ng kasapi, at matapos ang tatlong (3) taon na patuloy na pagiging kasapi ng Samahan , ang kasapi ay may karapatang tumanggap ng kalahati (50%) ng kanyang kontribusyon (equity value) sa Life Insurance. Ang isang kasapi na umabot na sa edad na 66 taon ay maaaring kuhanin ang kanyang equity value o kalahati (50%) ng kanyang kabuuang kontribusyon. Ang equity value na hindi kinuha ng isang kasapi na umabot sa edad na 66 taon ay magkakaroon ng tubong (interest) na hindi bababa sa 2% kada isang taon.
Hindi pinahihintulutan ng Samahan ang paglilipat ng pagmamay-ari ng Sertipiko ng Pagiging Kasapi (Certificate of Membership).
Dapat ipagbigay-alam agad ng kasapi o ng benepisyaryo ang pagkamatay o pagkabaldado ng kasapi o pagkamatay ng lehitimong kaanak nito upang matiyak (verify) at masuri ang katotohonan ng hinihinging benepisyo para sa maagang pagbabayad ng kaukulang benepisyo.
Pinagkasunduan at ipinababatid sa lahat, na hindi ipatutupad sa pagkilala ng pananagutan ng mga benepisyo na nakasaad sa Sertipiko ng Pagiging Kasapi na ito ang probisyon sa Artikulo 1250 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas na nagsasaad ng:
“Sa panahon ng hindi pangkaraniwang pagbaba o pagtaas ng halaga ng pera, ang halaga ng pera noong magkaroon ng kasunduan o pagkakaunawaan sa pagbabayad ng pananagutan ang siyang magiging batayan.”
Sa Alituntunin at Patakaran ng ASKI MBA napapaloob ang mga kasunduan at kondisyon ng Life Insurance na nakasaad sa taas. Ang Alituntunin at Patakaran ng Samahan ay nasa punong tanggapan ng ASKI MBA at sa mga nakatalagang Sangay nito at laging nakahanda upang matingnan / mabasa ng mga kasapi sa oras ng opisina.
Ang Komisyon ng Seguro, na may tanggapan sa Maynila, Cebu at Davao, ay ang sangay ng pamahalaan na nagpapatupad ng lahat ng batas na patungkol sa seguro at gumagabay sa mga Mutual Benefit Association. Sa ano mang oras, ito ay handang tumulong sa pagsasaayos ng hindi pagkakaunawaan ng isang Mutual Benefit Association at ng isang nakaseguro tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa seguro.